Magandang araw po. Nais po sana naming isangguni at humingi na rin ng tulong tungkol sa reklamo naming mga empleyado sa _____, isang indiyanong kumpanya na may opisina sa _____, hinggil sa ilang aspeto ng pamamalakad na sa aming pang-unawa ay hindi alinsunod sa mga kasalukuyang batayan at mga alituntunin sa ating Labor Code.
Karamihan po sa amin ay mga IT Consultants at dahil na rin po sa aming propesyon at sa mga lokasyon ng aming mga kliyente at proyekto, kami po ay napipilitan o obligadong magtrabaho ng lampas sa walong oras maging araw man o gabi ng kadalasan ay wala man lang Night Differential Pay o Overnight Pay. Dahil na rin po sa pagsunod naming sa oras at kalendaryo ng mga kliyente, madalas din kaming magtrabaho maging Holidays man po o Weekends ng walang karagdagang bayad o Holiday Premium.
Ang pagbabayad sa amin ng kumpanya hinggil sa Overtime Pay, Night Differential at Holiday Premium ay hindi regular at dahil na rin po sa kagustuhan ng kumpanya na mawala ito at makatipid sa gastusin ay kinakailangan ng bawat empleyado ng abiso at magpasa ng mga kaukulang forms na pirmado ng Vice President for Delivery na isang Indiyana upang mabayaran ng Payroll Department ang anumang karagdagang bayad. Magkagayunman, naging labis na napakahirap po ng pagkuha ang pirma ng nasabing kinauukulan kaya kadalasan nagdudulot ng di pagbayad ng kumpanya ng anumang nararapat sa isang empleyado.
Marami po dito ang halos magdamagan kung magtrabaho sa opisina at kadalasan pa ay on-call pag-uwi ng bahay ngunit hindi nababayaran ng tama. Dahil sa kagustuhan ng karamihan sa aming pagsilbihan ang mga kliyente ay wala na lang din sa aming naglalakas loob na umimik. May isang pagkakataon din po noong June 2008 ng hindi kami nakatanggap ng sahod sa isa sa aming mga kinsenas dahil raw po kailangang maglagay ng buffer ng kumpanya sa cashflow at idelay kami ng isang kinsenas. Marami sa amin ang nabigla dahil na rin sa kakatapos pa lang na enrollment ng mga mag-aaral at karamihan sa amin ay mga magulang na gipit din. Wala pong naging mga kasulatan o abiso na pormal dahil na rin iniiwasan ng mga nasa itaas ang anu mang dokumentong pwedeng gawing ebidensya kung may magreklamo man. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinabalik ang kinsenas na kanilang hindi binayaran noong June 2008.
Wala rin pong Security of Tenure dito. Marami rin po sa aming mga katrabaho ang natanggal dahil na rin po sa redundancy na kanila na lamang pong pinapagawan ng resignation letter at binabayaran para pumayag kahit na sila ay pawang mga regular na empleyado na. Noong Disyembre 2007 at maging noong July 2008 ay ilang mga regular ang kanilang tinaggal due to retrenchment. Noong Disyembre 2008 ay kanila pong tinaggal din ang isang manager sa loob lamang ng isang araw dahil sa di pagkakaunawaan at loss of confidence. Siya po ay pinilit na magbigay ng resignation letter para mabayaran at maisakatuparan ang pagtanggal sa kanya ng walang kumplikasyon. Ito marahil ay ginawa upang maipakitang boluntaryo ang pag-alis ng nasabing empleyado. Ito po ay aming nakikita na isang anyo ng Constructive at Illegal Dismissal. Sa araw ding iyon ay pinatanggal ang kanyang mga gamit at pinaalis ng opisina ng biglaan. Ilan din po ngayong Enero 2009 ang nawalan din ng trabaho dahil sa kawalan ng seguridad.
Lahat din po ng nasa Upper Management ay mga dayuhang Indian at Amerikano. Karamihan sa kanila ay nagpupunta ng Pilipinas at nagtatrabaho ng Tourist Visa lang at pawing ang pakay na nakasulat sa mga Invitation Letter ay para makilahok sa pagpupulong ngunit layunin pala ay magtrabaho at manirahan. Dito na rin po sila kadalasan kumukuha ng kaukulang permit na gusto po rin naming ipabusisi upang maiayon sa kung ano man ang nakasaad sa batas at kung sila rin ba ay pinapatawan ng tamang buwis n gating bansa sa kanilang pagtatrabaho dito. Marami naman po sa ating kababayan ang may mataas na qualifications para sa mga naturang posisyon sa management ngunit wala pa ring pinoy ang kanilang tinatanggap. Bagkus ay mga dayuhan po ang kanilang kinukuha na pawing walang alam sa ating mga batas.
Halos ilan din po sa amin ang pinapadala sa ibang bansa upang magtrabaho mula tatlong buwan hanggang pito o walo ng hindi dumadaan sa POEA. Ang layunin na nakasaad sa aming mga papeles ay upang magsanay at makipagpulong bagkus ay trabaho ang aming ginagawa sa mga buwan na kami ay dumadayo sa ibang bansa. Ang ilan sa aming mga kasamahan ang ngayon ay halos mag-iisang taon na sa ibang bansa na hindi man lang naipapadaan sa POEA ang mga dokumento. Sa aming nakikita ay nagiging Recruitment Agency ang aming kumpanya dahil na rin sa Staff Augmentation Services na dala nito. Subalit wala naman kaming nalalamang kaukulang permit mula sa POEA at OWWA upang ang aming kumpanya ay mangalap at magpadala ng tao sa abroad upang magtrabaho. Nais po rin naming itong ipabusisi.
Isa pa rin po sa aming reklamo ang kawalan ng bentilasyon rin sa gabi dahil na rin patay ang aircon ng building ay halos naging pasakit sa ilan sa aming nagtatrabaho sa gabi, sa mga weekends at tuwing may holidays. Mabuti na lamang at ilan sa amin ang nanguna sa paghingi ng electric fans man lang upang maisaayos ang kundisyon. Wala rin po kaming nurse o taong nakalaan para sa pangangalaga ng health and safety o maski man lang basic first aid na kinakailangan sa isang kumpanya na halos 150 katao ang laki.
Sa mga nabanggit po sa itaas, nais po sana naming humingi sa inyo ng pagkakataon na maiwasto kung ano man po ang mali sa pamamalakad ng kumpanya sa pamamagitan ng isang Site Visit o Inspection upang inyo na rin pong masaliksik at mapatotoo ang mga nabanggit na bagay-bagay, mabusisi ang aming Payroll patungkol sa mga hindi nababayarang Overtime Pay, Night Differential at iba pang mga premiums at ang pagbusisi sa aming mga HR Policies pati na rin po ang iba pang mga bagay na maaring maiwasto upang maging kaaya-aya ang aming kundisyon sa kumpanya.
Layon po naming ang pagbabago at pagwawasto ng mga mali at hindi ang pagwasak ng reputasyon ng kumpanya. Nais rin po naming ibigay ng kumpanya kung ano man ang nararapat at wasto. Sana po ay matulungan ninyo kami. Maraming Salamat po.
Ang inyong lingkod,
ANONYMOUS EMPLOYEE
0 Responses to “Sa mga Kinauukulan (Department of Labor and Employment);”